Lumuluha ka na naman,
Palagi na lang ganyan.
Kailan mo ba siya kalilimutan?
Tapos na ang inyong sumpaan.
Matagal na panahon na rin;
Ilang araw na ang dumating.
Magkaiba na kayo ng daan,
Magkasalungat sa bawat hakbang.
Tila hindi ka napapagod.
Ako ay walang ibang maisasagot
Kundi ang pagtahan mo’t pagbangon —
Hayaan na ang nagsidaang panahon.
Ang buhay, hindi lagi masaya,
Minsan hindi aayon sa’yong ikaliligaya.
Wala kang iba pang magagawa,
Kundi tanggapin at ituloy ang paghinga.
Bakit hindi mo subukang lumingon,
Nandito naman ako ngayon?
Naghihintay na iyong mapansin,
Naghihintay na iyo ring ibigin.
Handa naman akong magbigay
Ng oras, panahon, at buhay.
Kung iyon ang ‘yong gugustuhin,
Ikaw ay aking susundin.
Inaamin ko, mahal kita.
Hindi alam kung saan nagsimula.
Sa tuwing ikaw ay makakasama,
Langit ang aking nadarama.
Napakasaya sa tuwing ika’y nakikita —
Oras ay gustong itigil pansamantala;
Sulitin ang mga bawat sandali
Na ikaw ay nasisilayang nakangiti.
Munting pangarap sa aking isipan,
Sana ay magkaroon ng katuparan.
Nandito lang ako para sa iyo, giliw.
Hihintayin kang maging handa muli.
© jpethoughts, ca.2011
Leave a Reply